--Ads--

Nasungkit ng National Capital Region (NCR) ang kampeonato sa Palarong Pambansa 2026 matapos manguna sa overall delegation rankings sa isinagawang awarding ceremony ngayong Linggo, Mayo 31, sa lalawigan ng Agusan del Sur.

Bilang overall champion, tumanggap ang NCR ng tropeo at P200,000 cash prize. Pumangalawa naman ang Calabarzon Region IV-A na nakatanggap ng tropeo at P150,000 cash prize, habang pumangatlo ang Davao Region na ginawaran ng tropeo at P100,000 cash prize.

Nasa ikaapat na puwesto ang Central Visayas Region na tumanggap ng sertipiko at P50,000 cash prize, habang nakumpleto ng Western Visayas ang Top 5 at tumanggap din ng sertipiko at P50,000 cash prize.

Sa elementary division, nasungkit ng Calabarzon Region IV-A ang kampeonato at tumanggap ng tropeo, sertipiko at P100,000 cash prize. Pumangalawa ang Davao Region na nakakuha ng tropeo at P75,000 cash prize, habang pumangatlo ang NCR na ginawaran ng tropeo at P50,000 cash prize.

--Ads--

Samantala, nangibabaw naman ang NCR sa secondary division matapos maiuwi ang kampeonato kasama ang tropeo at P100,000 cash prize. Pumangalawa ang Calabarzon Region IV-A na tumanggap ng tropeo at P75,000 cash prize, habang pumangatlo ang host region na Caraga na ginawaran ng tropeo at P50,000 cash prize.

Nakapasok din sa Top 5 ng secondary division ang Central Visayas Region at Northern Mindanao na kapwa tumanggap ng sertipiko at P25,000 cash prize.

Ipinakita ng mga student-athletes mula sa iba’t ibang rehiyon ang kanilang husay, disiplina, at sportsmanship sa buong linggo ng kompetisyon na dinaluhan ng libu-libong atleta, coach, at opisyal mula sa iba’t ibang panig ng bansa.Layunin ng Palarong Pambansa na paigtingin ang pagkakaisa at kahusayan sa larangan ng palakasan ng kabataang Pilipino.