Namahagi ng libreng school kits ang Sangguniang Kabataan (SK) ng Barangay Guayabal, Cauayan City para sa mga junior high school at senior high school students bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase, ngayong araw ng Lunes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Precious Joy Tuppal, SK Chairperson ng Barangay Guayabal, sinabi niyang ikalawang taon na nilang isinasagawa ang programa na layuning makatulong sa mga mag-aaral sa pagbili ng mga pangunahing gamit sa eskwela.
Ayon kay Tuppal, nasa 60 estudyante ang nakatanggap ng school kits na naglalaman ng mga notebook, yellow pad, ballpen, glue, correction tape, tumbler, mini fan at iba pang school supplies na nakalagay sa isang tote bag. Aniya, nagsimula ang naturang proyekto noong 2020 at isa ito sa mga pangunahing programang patuloy na isinusulong ng SK para sa mga kabataan sa kanilang barangay.
Bukod dito, sinabi rin ni Tuppal na kamakailan lamang ay nagbigay sila ng tig-P1,000 cash assistance at bigas sa walong kabataang persons with disability (PWD). Nakapaloob din sa kanilang mga nakaplanong programa ang pagbibigay ng financial assistance para naman sa mga college students.
Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat si Farlyn Talosig, isang Grade 12 student at benepisyaryo ng programa.
Aniya, malaking tulong ang libreng school kits lalo na sa mga pamilyang hirap makabili ng mga gamit para sa pag-aaral.
Dagdag pa niya, nabawasan nito ang gastusin ng kanilang mga magulang kasabay ng nalalapit na pagbubukas ng klase.











