Umakyat na sa 19 ang bilang ng mga nasawi matapos ang magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Mindanao nitong Lunes, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Ayon kay OCD spokesperson Junie Castillo, 16 sa mga nasawi ay mula sa Soccsksargen habang tatlo naman ang naitala sa Davao Region. Nasa 134 katao rin ang napaulat na nasugatan habang pito pa ang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Patuloy ang search, rescue, at retrieval operations sa mga apektadong lugar habang isinasagawa rin ang assessment sa lawak ng pinsalang idinulot ng malakas na pagyanig.
Samantala, kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang lindol ay dulot ng paggalaw sa Cotabato Trench. Ayon kay Phivolcs research specialist Winchelle Sevilla, ang parehong fault system din ang naging sanhi ng mapaminsalang 1976 Moro Gulf earthquake at tsunami na kumitil sa libu-libong buhay.
Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na manatiling alerto sa posibleng aftershocks at sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan at disaster response agencies.











