--Ads--

Inilulunsad ng Philippine Statistics Authority (PSA) Regional Statistical Services Office II, sa pakikipagtulungan ng PSA Isabela, ang dalawang araw na CRS Mobile Outlet sa 4Lanes Plaza, Barangay Malvar, Santiago City ngayong Hunyo 9 hanggang 10 upang ilapit sa publiko ang mahahalagang serbisyong may kaugnayan sa civil registration at national identification.

‎Maaaring mag-request ang mga mamamayan ng Birth Certificate, Marriage Certificate, at Death Certificate sa halagang ₱155 bawat kopya, gayundin ng Certificate of No Marriage Record (CENOMAR) na nagkakahalaga ng ₱210.

‎Magkakaloob din ang ahensya ng mga serbisyong may kaugnayan sa National ID bilang bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng access ng publiko sa mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Julius Emperador, Chief Statistical Specialist ng PSA Isabela, layunin ng programa na gawing mas mabilis, mas episyente, at mas maginhawa para sa mga mamamayan ang pagkuha ng mga dokumentong kinakailangan sa trabaho, edukasyon, negosyo, at iba pang legal na transaksyon.

--Ads--

‎Sinabi ni Emperador na ang pagsasagawa ng CRS Mobile Outlet ay bahagi ng patuloy na hakbang ng PSA upang mabawasan ang oras, gastusin, at abalang nararanasan ng publiko sa pagkuha ng mga dokumento mula sa mga regular na tanggapan ng ahensya.

‎Pinaalalahanan din ng PSA ang mga aplikante na magdala ng hindi bababa sa isang balidong government-issued ID bilang pangunahing requirement sa pagproseso ng kanilang mga dokumento.

‎Hinikayat naman ni Ginoong Emperador ang mga residente ng Santiago City at mga karatig-lugar na samantalahin ang nasabing aktibidad upang maproseso ang kanilang mga kinakailangang dokumento at makapag-avail ng mga serbisyo para sa National ID nang mas mabilis at mas malapit sa kanilang komunidad.

‎Inaasahan ng PSA na higit pang mapalalakas ng programa ang akses ng publiko sa mahahalagang rekord sibil at iba pang serbisyong pampamahalaan sa pamamagitan ng mas inklusibo at episyenteng paghahatid ng serbisyo.