--Ads--

Naghain ng panukalang batas si Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan na layong tiyakin ang permanenteng pagmamay-ari ng pamahalaan sa mga lupang kinatitirikan ng mga pampublikong paaralan na wala pang titulo, upang maiwasan ang mga legal na problema sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga silid-aralan.

Sa ilalim ng House Bill (HB) 9477, bibilisin ang pagpapatitulo at pagpaparehistro ng mga lupain sa pangalan ng Department of Education (DepEd), kasunod ng direktiba ni DepEd Secretary Sonny Angara na magsagawa ng structural safety inspection sa mga paaralang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.

Ayon sa mambabatas, hindi mareresolba ang kakulangan sa mga silid-aralan kung patuloy na magkakaroon ng problema sa pagmamay-ari ng lupa dahil sa kakulangan ng dokumento.

Batay sa ulat ng Edcom II, nasa 122,000 silid-aralan na sa bansa ang lampas na sa kanilang lifespan at nangangailangan ng agarang rehabilitasyon o retrofitting.

--Ads--

Itinatakda rin ng panukala na ituring na pormal na pagmamay-ari ng DepEd ang mga lupang ginagamit bilang paaralan sa loob ng sampung taon o higit pa, at binibigyan ang ahensya ng kapangyarihang ariin ang mga pribadong lupa sa pamamagitan ng expropriation kapalit ng tamang bayad sa may-ari.