Naging maayos ang unang linggo ng pagsisimula ng klase sa bayan ng Tumauini, Isabela para sa school year 2026-2027.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jojo Turingan, Acting Chief of Police ng Tumauini Police Station, sinabi niya na maliban sa mga malalaking paaaralan, ay tinutukan din nila ang mga eskwelahan na malapit sa national highway.
Aniya, nag-deploy sila ng mga kapulisan sa mga pambansang lansangan upang mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko at mapaalalahanan ang mga motorista pagdating sa tamang loading/unloading at parking zone.
Maliban sa pagpapaigting sa seguridad sa mga paaralan, mas pinaigting din ng PNP Tumauini ang kanilang kampanya kontal ilegal na droga. Tuloy-tuloy aniya ang kanilang monitoring sa mga indibidwal na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga nang sa ganoon ay madeklara nang drug-cleared municipality ang Tumauini.
Ayon kay PMaj. Turingan, nakikipag-ugnayan na rin sila sa iba’t ibang mga paaralan sa kanilang nasasakupan kaugnay ng pagsasagawa ng symposium upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga mag-aaral hinggil sa epekto ng paggamit ng ilegal na droga.
Samantala, simula Marso 2026 ay mayroon nang naaresto na 20 wanted person ang Tumauini Police Station, 2,100 naman ang nahuli na mga violators ng municipal ordinance.
Mayroon namang naitalang 12 na vehicular accident na madalas umanong naiuugnay sa human error at pagmamaneho na nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin.
Dagdag pa ng opisyal, mayroon isinasagawang best practices ang kanilang gaya na lamang ng “Kaligtasan sa Kalsada,” at “Usap Kape” katuwang ang mga barangay officials.
Batay sa kanilang obserbasyon, nakatulong ang mga programag ito upang mabawasan ang bilang ng insidente sa kanilang nasasakupan dahil na rin sa pagbibigay ng sapat na kaalaman sa mga residente ng bawat barangay.











