Kinumpirma ng Department of Agriculture Region 2 na kontrolado na ang mga naitalang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa Nueva Vizcaya, kung saan tiniyak ng mga awtoridad na hindi na ito kagaya ng mga nakalipas na taon na malawak at mabilis ang pagkalat ng sakit sa mga alagang baboy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Manuel Galang, Veterinarian III ng Department of Agriculture Region 2, sinabi niya na matagal na ring walang kaso ng ASF at kung mayroon man ay hindi na katulad ng dati noong 2020-2023 na matatas ang cases ng African Swine Fever. Aniya, ang mga naitalang kaso ngayong 2026 ay pawang isolated at agad na naagapan kaya’t hindi na ito lumalala o nagiging rampant sa lalawigan.
Batay sa ulat, naitala ang mga kaso sa ilang bayan ng Nueva Vizcaya gaya ng Kasibu, Bayombong, at Villaverde. Noong Pebrero 9, 2026, sa Brgy. Catarawan, Kasibu ay naitalang anim na baboy ang namatay at nagpositibo sa ASF. Sumunod naman ang kaso sa Brgy. Masoc, Bayombong noong Pebrero 25, 2026, kung saan may naitalang isang inahin at pitong growers na apektado. Pinakahuli ay noong Mayo 5, 2026 sa Brgy. Ibung, Villaverde kung saan siyam na piglets ang nagpositibo at agad na naayos ang disposal.
Ayon sa opisyal, agad na kumilos ang mga veterinary staff sa lalawigan sa pamamagitan ng monitoring, clean and disinfection, at maayos na paglilibing ng mga apektadong baboy upang mapigilan ang pagkalat ng virus. Giit niya, nananatiling contained ang mga kaso hindi lamang sa Nueva Vizcaya kundi maging sa ilang bahagi ng Region 2 tulad ng Piat, Cagayan.
Samantala, aminado ang ahensya na napansin ang mahinang biosecurity sa ilang hog raisers matapos ang mahabang panahon na walang aktibong outbreak. Kabilang sa mga nakitang problema ang pagpasok-labas ng maraming tao sa piggery, hindi tamang paghihiwalay ng mga alagang hayop, at kakulangan sa disinfection measures.
Paalala ng DA Region 2, mahalagang higpitan ang biosecurity tulad ng paglalagay ng perimeter fence, paggamit ng footbath, at pag-iwas sa paghalo ng iba’t ibang hayop sa iisang lugar. Pinag-iingat din ang mga hog raisers sa tamang paghawak ng dumi at drainage upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon, gayundin ang pagpapaalala na dapat dumaan sa slaughterhouse at meat inspection ang mga kakataying baboy.
Dagdag pa ng opisyal, ang ASF virus ay maaaring manatili sa frozen meat nang hanggang tatlong taon kaya’t mahalagang maging mapanuri sa pagbili ng karne at tiyaking may tatak ng National Meat Inspection Service.
Sa kabuuan, sinabi ng DA Region 2 na bumaba ng tinatayang 50–60 porsyento ang mga kaso ng ASF ngayong 2026 kumpara sa mga nakaraang taon, patunay na epektibo ang pagpapatupad ng mga hakbang kontra sa naturang sakit.











