--Ads--

Puspusan na ang paghahanda ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) at Federation of Persons with Disabilities sa Santiago City para sa pagdiriwang ng National Disability Rights Week sa darating na Hulyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rafaela Sy, Federation Vice President ng PDAO Santiago City, sinabi nito na abala na ang kanilang tanggapan at iba’t ibang samahan ng Persons with Disabilities (PWDs) sa paglalatag ng mga programa at aktibidad upang matiyak ang maayos na pagdaraos ng selebrasyon.

Ayon kay Sy, kabilang sa mga nakaplanong gawain ang libreng panonood ng sine, drawing activities para sa mga batang kabilang sa mga special organizations, gayundin ang medical at dental services para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Bukod dito, magkakaroon din ng mga palaro, pagsasama-sama ng mga miyembro ng sektor, at iba pang espesyal na programa na isasagawa sa isang mall sa Santiago City bilang bahagi ng pagdiriwang na naglalayong kilalanin at pahalagahan ang mahalagang papel ng mga Persons with Disabilities sa komunidad.

--Ads--

Sinabi pa ni Sy na magsasagawa pa sila ng isa pang pagpupulong upang maisapinal ang mga detalye ng mga aktibidad at matiyak ang maayos at organisadong implementasyon ng mga ito.

Ipinaliwanag niya na ang mga nakatakdang programa ay eksklusibong inilaan para sa mga Persons with Disabilities bilang pagbibigay-pugay sa layunin ng pagdiriwang na maisulong ang kanilang mga karapatan, kapakanan, at aktibong partisipasyon sa lipunan.

Matatandaan na taunang ginugunita tuwing Hulyo 17 hanggang 23 ang National Disability Rights Week alinsunod sa Proclamation No. 597, na naglalayong itaguyod ang pagkilala sa dignidad, kakayahan at pantay na karapatan ng mga Persons with Disabilities, gayundin ang pagpapalawak ng kamalayan ng publiko sa kanilang mahalagang ambag sa pag-unlad ng bansa.