--Ads--

Kusang-loob na isinuko sa mga awtoridad ng isang 26-anyos na babae ang nasa 590 gramo ng pinaghihinalaang marijuana na may tinatayang Standard Drug Price (SDP) na ₱70,800 matapos niya itong matagpuan sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Calao East, Santiago City dakong alas-12:48 ng tanghali nitong Hunyo 19.

Batay sa ulat ng Police Station 1 ng Santiago City Police Office, nadiskubre ng babae ang naturang kontrabando habang nagsasagawa siya ng paglilinis sa kanilang tahanan. Napansin umano niya ang isang dilaw na sako na nakatago sa loob ng bahay at nang kanyang buksan ay tumambad ang laman nitong pinaghihinalaang marijuana.

Dahil hindi niya umano alam ang pinagmulan ng naturang droga, agad siyang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad at kusang-loob itong isinuko para sa wastong paghawak at disposisyon.

Sa isinagawang beripikasyon ng pulisya, lumabas na hindi umano batid ng babae na ginagamit ang kanilang bahay bilang isang pinaghihinalaang drug den ng kanyang asawa at ng iba pang mga suspek na naaresto sa isinagawang anti-illegal drug operation sa lugar.

--Ads--

Ayon pa sa mga awtoridad, base sa impormasyong nakuha mula sa mga naarestong indibidwal, nagsimula umano ang ilegal na operasyon sa naturang bahay bago pa man ang pagbubukas ng klase ngayong taon.

Agad namang nagsagawa ng kaukulang imbentaryo at dokumentasyon ang mga awtoridad bago itinurn-over ang nakuhang ebidensya sa Santiago City Forensic Unit para sa laboratory examination at safekeeping.

Sinabi ng pulisya na may kaugnayan ang pagkakatuklas sa karagdagang suplay ng pinaghihinalaang marijuana sa isinagawang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Santiago City Police Station 1 noong Hunyo 18, na nagresulta sa pagkakabuwag ng isang pinaghihinalaang drug den, pagkakaaresto ng tatlong indibidwal, at pagkakasagip sa isang menor de edad.

Muling binigyang-diin ng mga awtoridad ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng publiko sa kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng agarang pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang komunidad.