Naglaan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng karagdagang ₱3 bilyong pondo para sa programa ng pamahalaan sa repatriation at reintegration ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naapektuhan ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.
Sa isang pahayag, sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto na gagamitin ang karagdagang pondo upang masuportahan ang buong proseso ng pagpapauwi sa mga OFW, kabilang ang pre-departure assistance, transportasyon, at mga programang pangkabuhayan at reintegration pagdating nila sa bansa.
Ayon kay Recto, nais ng Pangulo na matiyak na mabibigyan ng agarang tulong ang mga Pilipinong nasa matinding pangangailangan at nais nang makabalik sa Pilipinas.
Dagdag pa niya, nagsilbi ring medical evacuation o medevac missions ang ilang humanitarian flights para sa mga Pilipinong may karamdaman. Nagpadala rin umano ang Department of Migrant Workers (DMW) ng mga medical personnel upang matiyak ang kaligtasan at maayos na kalagayan ng mga pasahero habang nasa biyahe.
Binigyang-diin ni Recto na direktiba ni Pangulong Marcos na hindi dapat matapos sa paliparan ang tulong para sa mga repatriated OFW. Aniya, dapat ding matulungan ang mga ito na makabalik sa kanilang mga probinsya at mabigyan ng oportunidad para muling makapagsimula.
Kabilang sa mga maaaring matanggap ng mga umuwing OFW ang tulong pinansyal, psychosocial counseling, medical assessment, gabay sa paghahanap ng trabaho, at suporta sa kabuhayan.
Upang matulungan ang mga nagbalik na manggagawa, nagsagawa na ang DMW ng 15 Bayanihan Para sa Balikbayang Manggagawa National Reintegration Network at Job Fairs sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Layunin nitong maiugnay ang mga OFW sa lokal at overseas employment opportunities, livelihood programs, at financial literacy services.
Samantala, sa ilalim ng Balik Pinas, Balik Hanapbuhay Program ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), may 664 repatriated OFWs na ang nabigyan ng livelihood assistance. Maaaring makatanggap ang bawat benepisyaryo ng hanggang ₱20,000 bilang panimulang puhunan sa maliit na negosyo.
Batay sa datos ng DMW hanggang Hunyo 17, umabot na sa 10,446 Pilipino ang ligtas na naipauwi mula sa Middle East sa pamamagitan ng mga humanitarian flights. Kabilang dito ang 8,281 OFWs, 1,803 dependents, at 362 stranded Filipinos.











