--Ads--

Arestado ang apat na hinihinalang Street Level Individuals (SLI) matapos ang ikinasang anti-illegal drug buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Police Station 3 ng Santiago City Police Office (SCPO), Drug Enforcement Unit-SCPO at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Quirino sa Purok 3, Barangay Victory Norte, Santiago City.

‎Kinilala ng mga awtoridad ang mga nadakip na sina alyas “Jo”, alyas “Nel” at alyas “Yan-Yan”, na pawang residente ng naturang barangay, at si alyas “Iya” na residente naman ng Barangay Calao East.

‎Batay sa ulat ng pulisya, nakatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon mula sa isang confidential informant hinggil sa umano’y bentahan ng ilegal na droga, partikular ng shabu, sa lungsod. Dahil dito, ikinasa ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

‎Narekober mula sa isinagawang transaksyon ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 1.11 gramo at may tinatayang Standard Drug Price (SDP) na P7,548. Nakuha rin ang buy-bust money na nagkakahalaga ng P3,000 na binubuo ng isang tunay na P1,000 bill at dalawang piraso ng boodle money.

‎Samantala, mula sa direktang pag-iingat at kontrol ni alyas “Nel” ay narekober pa ang isa pang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 4.55 gramo at tinatayang SDP na P30,940. Nasamsam din ang limang android cellular phones na pinaniniwalaang may kaugnayan sa ilegal na aktibidad.

‎Agad namang isinagawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa harap ng mga kinatawan ng Department of Justice (DOJ), isang opisyal ng Barangay Victory Norte at ng mga naarestong suspek, alinsunod sa itinakdang proseso.

‎Dinala ang apat na suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Police Station 3 para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

‎Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga naarestong suspek.