Itinaas na sa Blue Alert Status ng Philippine Coast Guard ang buong Northeastern Luzon bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super Typhoon Francisco, habang mahigpit na ipinatutupad ang no-sail policy sa ilang lalawigan sa rehiyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisda at mga manlalayag.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ensign Erika Faith Coloso, Public Information Officer ng Coast Guard District Northeastern Luzon, sinabi nito na naka-high alert na ang lahat ng Coast Guard stations at substations sa kanilang nasasakupan at naka-activate na rin ang kanilang mga Deployable Response Group (DRG) teams para sa agarang pagtugon sakaling mangailangan ng rescue at relief operations.
Ayon kay Ens. Coloso, ipinatupad na ang no-sail policy sa Coast Guard Stations sa Batanes, Calayan, Cagayan, Santa Ana at Coast Guard Substation Palanan dahil sa banta ng masamang panahon dulot ng bagyo.
Aniya, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga mangingisda at iba pang maritime stakeholders upang ipabatid ang umiiral na no-sail policy at ang mga panganib na maaaring idulot ng paglalayag habang may banta ng sama ng panahon.
Sa ngayon ay wala pa namang naitatalang paglabag sa ipinatutupad na polisiya, habang regular ding nagsasagawa ng monitoring at pagpapatrolya ang mga tauhan ng Coast Guard upang matiyak ang pagsunod dito.
Bagama’t hindi pa umano gaanong maalon sa ilang bahagi ng kanilang area of responsibility, umaabot na sa dalawa hanggang tatlo at kalahating metro ang taas ng mga alon sa ilang karagatan na maaaring magdulot ng maritime incidents.
Pinapaalalahanan din ng Coast Guard ang mga may-ari ng mga bangka at sasakyang-pandagat na nakasilong sa mga pantalan at baybayin na pansamantalang lisanin ang kanilang mga sasakyan para sa kanilang kaligtasan sakaling lumala pa ang epekto ng bagyo.
Dagdag pa ni Ens. Coloso, patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMO), at Office of Civil Defense para sa pinaigting na information dissemination at paghahanda ng mga komunidad.
Samantala, nagbabala rin ang Coast Guard sa mga mangingisda at vessel operators kaugnay sa nakatakdang paglulunsad ng People’s Republic of China ng Long March rocket ngayong araw, Hunyo 23.
Ayon sa opisyal, kabilang sa mga posibleng maapektuhan ng rocket debris ang ilang bahagi ng karagatan malapit sa Dalupiri Island at mga karagatang sakop ng Santa Ana, Cagayan.
Dahil dito, hindi rin pahihintulutang maglayag ang mga sasakyang-pandagat sa mga apektadong lugar sa itinakdang oras ng rocket launch upang maiwasan ang anumang insidente at matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisda at iba pang gumagamit ng karagatan.











