Nilinaw ni Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III na hindi tuluyang isinara kundi nire-regulate lamang ang pagdaan ng mga motorista sa bahagi ng Ilagan-Divilacan Road habang isinasagawa ang mga hakbang upang maiwasan ang paulit-ulit na landslide at pagkasira ng kalsada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng gobernador na layunin ng hakbang na matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero at mabigyan ng pangmatagalang solusyon ang mga problemang dulot ng pagguho ng lupa at malalakas na agos ng tubig na sumisira sa kalsada tuwing tag-ulan.
Ayon kay Governor Albano, kasalukuyang pinag-aaralan ng mga engineer ang daloy ng tubig mula sa kabundukan, mga creek at iba pang natural na daluyan upang matukoy kung saan nagmumula ang mga tubig na nagdudulot ng erosion at landslide sa lugar.
Aniya, hindi sapat ang simpleng pagsasaayos lamang ng kalsada kung hindi matutugunan ang ugat ng problema dahil kahit lagyan pa ng bato o iba pang materyales ang daan ay masisira rin ito kung patuloy na daraan dito ang rumaragasang tubig mula sa bundok.
Sinabi pa ng gobernador na maglalaan ang pamahalaang panlalawigan ng P100 milyon para sa landslide mitigation at iba pang kinakailangang rehabilitasyon sa kahabaan ng Ilagan-Divilacan Road.
Binigyang-diin din niya na isa sa mga dahilan ng regulasyon ay upang maiwasan ang maling impresyon ng publiko sa kalagayan ng kalsada dahil may mga dumaraang vloggers at adventure riders na nagbabahagi ng mga video ng hindi pa tapos na bahagi ng proyekto.
Ayon kay Governor Albano, bagama’t may limitasyon sa pagdaan sa lugar, hindi naman ito total closure dahil pinapayagan pa rin ang mga residente at mga may emergency na pangangailangan na bumiyahe.
Dagdag pa niya, posible ring muling buksan nang lubusan ang ruta para sa mga turista at adventure riders kapag natapos na ang mga pag-aaral at mitigation measures upang matiyak na ligtas at matatag ang kalsada sa anumang panahon.
Hinimok naman ng gobernador ang publiko na makipagtulungan sa pamahalaan habang isinasagawa ang mga hakbang para sa mas maayos, ligtas at pangmatagalang paggamit ng Ilagan-Divilacan Road.











