--Ads--

Arestado ang isang 49-anyos na lalaki matapos masakote sa isang buy-bust operation na isinagawa ng mga awtoridad sa Purok 4, Barangay Banggot, Bambang, Nueva Vizcaya.

‎Sa operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 5.58 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na ₱37,944, kasama ang buy-bust money at iba pang mga ebidensyang may kaugnayan sa ilegal na droga.

‎Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Illegal Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Illegal Possession of Dangerous Drugs) ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

‎Kasabay ng pag-aresto sa suspek, nasagip din ang dalawang menor de edad na kinilalang alyas “Mila,” 16-anyos, at alyas “Jem,” 17-anyos, na kapwa residente ng Barangay Calaocan, Bambang. Agad silang isinailalim sa pangangalaga ng mga kinauukulang ahensya upang mabigyan ng kaukulang intervention at suporta.

‎Pinangunahan ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Bambang Police Station, Provincial Intelligence Unit/Provincial Drug Enforcement Unit (PIU/PDEU) ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, Regional Intelligence Division 02 (RID-02), 2nd Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 02.

‎Samantala, ang lahat ng nakumpiskang ebidensya ay kaagad na minarkahan at isinailalim sa imbentaryo sa mismong lugar ng operasyon sa harap ng suspek, isang kinatawan ng Department of Justice, at isang barangay kagawad bilang pagsunod sa itinakdang chain of custody sa ilalim ng batas.

‎Matapos ang operasyon, dinala ang suspek sa Bambang Police Station para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso, habang ipinasakamay sa mga kinauukulang ahensya ang pangangalaga sa dalawang nasagip na menor de edad.