Isang 16-anyos na binatilyo ang nasawi habang sugatan naman ang kanyang 14-anyos na kaibigan matapos tamaan ng kidlat habang lumalangoy sa dagat sa Barangay Daanlungsod, Tuburan, Cebu noong Hulyo 2, 2026.
Ayon sa pulisya, kasama ng dalawa ang tatlo pa nilang kaibigan nang mangyari ang insidente matapos maagang matapos ang klase. Sa oras na iyon, kasalukuyang may thunderstorm sa lugar.
Sinabi ng mga imbestigador na dalawang ulit umanong tumama ang kidlat sa lugar, at tinamaan ang mga biktima sa ikalawang pagkakataon.
Agad na isinugod sa ospital ang mga biktima, ngunit idineklarang patay ang 16-anyos na estudyante habang ginagamot. Nasa ospital pa at nagpapagaling ang 14-anyos na sugatan.
Nagpaalala ang pulisya sa publiko na agad lumikas at umiwas sa dagat o dalampasigan kapag may paparating na bagyo, kulog, at kidlat.











