Ibinaba pa ng International Monetary Fund ang inaasahang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas para sa 2026 at 2027 dahil sa mas malaking epekto ng digmaan sa Middle East sa presyo ng mga bilihin at economic activity.
Sa pinakahuling World Economic Outlook report, ibinaba ng IMF ang growth forecast ng bansa sa 3.9% para sa 2026 mula sa dating 4.1%, at sa 5.5% para sa 2027 mula sa 5.8%.
Ayon sa IMF, nakaapekto rin sa kanilang pagtataya ang mas mahinang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas na 2.8% sa unang quarter ng 2026.
Nagbabala rin ang IMF sa mga panganib na dulot ng mataas na inflation, posibleng pagtaas ng presyo ng pagkain at enerhiya, mas mahigpit na pandaigdigang kondisyon sa pananalapi, at mababang remittances.
Sa kabila nito, sinabi ng IMF na maaaring bumuti ang takbo ng ekonomiya kung mapapabilis ng pamahalaan ang pagpapatupad ng mga reporma at kung magpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng enerhiya at pagkain.











