Tinawag na ‘baseless’ o walang basehan ng isang eksperto ang pahayag ng ilang Chinese Scholars na bahagi ng teritoryo ng China ang Isla ng Batanes dahil ito ay geographic extension umano ng Taiwan na kanila ring inaangkin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Chester Cabalza, Security Analyst at Military Diplomacy Expert, sinabi nitong tila nagha-hallucinate ang mga Chinese Scholars na nagpahayag nito dahil batay sa kasaysayan at mapa ng Pilipinas, ang Batanes ay bahagi ng Cagayan Valley.
Aniya, very strategic ang location ng Batanes dahil malapit lamang ito sa Taiwan at kung talagang nais nilang makuha ng tuluyan ang Taiwan ay maaari umanong unahin ng China ang Batanes.
Gayunman, naniniwala si Cabalza na hindi basta-basta ito makukuha ng China dahil ilegal ang kanilang magiging hakbang kung sakali at hindi rin umano ito papayagan ng mga Ibatan na naninirahan sa lugar.
Sa kabila ng paninindigan ng Pamahalaan ay kailangan umanong palakasin ang presensya ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard at iba pang concerned agencies upang mapaigting ang seguridad sa Batanes.
Ayon kay Cabalza, ang importante aniya rito ay ang desisyon ng mga residenteng naninirahan doon at kung sakali mang magkaroon ng referendum sa naturang isyu sa pamamagitan ng United Nations, naniniwala siya na mas pipiliin pa rin ng mga Ibatan na mapabilang sa Pilipinas.











