--Ads--

Iniharap ng House prosecution panel bilang ikalawang saksi si National Bureau of Investigation (NBI)-BARMM Regional Director Atty. Jeremy Lotoc sa ikaapat na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kung saan tinalakay ang alegasyon ng grave threats at umano’y assassination plot laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa pagdinig nitong Lunes, sinabi ni Atty. Amando Virgil Ligutan, counsel ng prosekusyon, na inialok nila si Lotoc bilang saksi kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment. Ayon kay Ligutan, lumabas sa imbestigasyon ng NBI na seryoso at kapani-paniwala ang mga umano’y banta na binitiwan ng Bise Presidente.

Ipinahayag ni Lotoc na noong siya pa ang pinuno ng NBI Cybercrime Division ay inatasan sila noon ni dating NBI Director Jaime Santiago na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng online press conference ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024.

Ayon kay Lotoc, sa naturang online press conference ay sinabi umano ni Duterte na nakakontrata na siya ng isang tao upang patayin sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Romualdez sakaling may mangyaring pananakit o pagpatay sa kanya.

--Ads--

Sinabi rin ng opisyal na kabilang sa kanilang sinuri ang video ng nasabing pahayag bilang bahagi ng imbestigasyon ng NBI sa umano’y mga pagbabanta.

Si Lotoc ang ikalawang testigo na iniharap ng prosekusyon matapos maunang tumestigo si NBI Senior Agent John Mark Calilung noong unang linggo ng paglilitis.

Patuloy naman ang pagdinig ng Senado bilang impeachment court upang talakayin ang mga reklamong isinampa laban kay Vice President Duterte.