--Ads--

Hinihikayat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga residente ng Cauayan City na samantalahin ang Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP upang mapanatili ang mabuting kalusugan at maiwasan ang paglala ng mga karamdaman.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Alexander Arellano, Head ng PhilHealth Local Health Insurance Office (LHIO)-Cauayan City, sinabi nitong layunin ng programa na mabigyan ng mas madaling access ang mga miyembro ng PhilHealth sa mga pangunahing serbisyong pangkalusugan bago pa lumala ang kanilang kondisyon.

‎Sa ilalim ng YAKAP Program, maaaring makatanggap ang mga kwalipikadong miyembro at kanilang mga dependent ng libreng konsultasyon, piling laboratory at diagnostic services, mga pangunahing gamot, at iba pang preventive healthcare services sa mga accredited YAKAP Clinics. Layunin nitong maagang matukoy ang mga karamdaman at mabawasan ang pangangailangan sa pagpapaospital.

‎Hinikayat ni Arellano ang mga miyembro ng PhilHealth na magparehistro sa isang accredited YAKAP Clinic upang lubos na mapakinabangan ang mga benepisyong iniaalok ng programa. Maaari ring pumili ng YAKAP Clinic sa pamamagitan ng PhilHealth Member Portal o sa pinakamalapit na PhilHealth Local Health Insurance Office.

--Ads--