--Ads--

Inihayag ng NIA-MARIIS na nakatulong ang ipinatupad na cut-off sa patubig upang makapag-ipon ng tubig sa dam. Dahil dito, muling naipadaloy ang tubig hanggang sa bungad ng Baligatan Diversion Dam at iba pang nasa upper canals.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS, sinabi niyang bahagyang tumaas ang lebel ng tubig sa Magat Dam matapos ang cut-off, ngunit nananatili pa rin itong nasa critical level dahil sa kawalan ng pag-ulan sa mga watershed area.

Umabot na rin ang suplay ng tubig sa Baligatan Diversion Dam, South High Canal, at Oscariz Main Canal.

Ayon kay Engr. Ablan, kung magpapatuloy ang kawalan ng ulan sa mga susunod na araw, posibleng muling ipatupad ang cut-off upang makapag-ipon ng sapat na tubig bago ito muling pakawalan para sa irigasyon.

--Ads--

Nanawagan naman ang NIA-MARIIS sa mga magsasaka na magtipid sa paggamit ng tubig at samantalahin ang mga makabagong teknolohiya sa patubig upang maipagpatuloy ang pagtatanim sa kabila ng matinding init ng panahon at kakulangan ng pag-ulan.