Patuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng Santiago City Police Office sa Motorcycle Helmet Act matapos lumabas na karamihan sa mga nahuhuli nilang motorista ay may kaugnayan sa paglabag sa helmet law.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., Chief ng Traffic Enforcement Unit ng Santiago City Police Office, sinabi nitong nasa halos 70 porsiyento ng kanilang mga naititiket araw-araw ay may kaugnayan sa paglabag sa helmet law, kabilang ang paggamit ng hindi awtorisadong helmet at kawalan ng helmet ng backride.
Ayon kay PMaj. Aggabao, umaabot sa mahigit 100 traffic violators ang kanilang nahuhuli kada araw sa iba’t ibang bahagi ng lungsod. Gayunman, iginiit niyang mas nais nilang bumaba ang bilang ng mga nahuhuli bilang indikasyon na nagiging epektibo ang kanilang mga road safety lecture at information campaign na isinasagawa sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan at iba pang sektor.
Samantala, sinabi rin ng opisyal na nagpapatuloy ang validation ng Santiago City Police Office kaugnay ng kumalat na larawan sa social media ng isang pulis na umano’y gumagamit ng nutshell helmet, na hindi awtorisadong gamitin sa pagmamaneho ng motorsiklo.
Ipinaliwanag niyang ang naturang uri ng helmet ay para lamang sa mga rescuer, siklista at iba pang katulad na aktibidad, at hindi alinsunod sa itinakdang pamantayan ng batas.
Dagdag pa ni PMaj. Aggabao, sakaling mapatunayang pulis nga ng Santiago City ang nasa larawan, agad itong papatawan ng kaukulang administrative sanctions.
Hinikayat din niya ang nag-upload ng larawan na makipagtulungan sa pulisya sa pamamagitan ng pagsusumite ng orihinal na kopya ng larawan upang mapadali ang pagkilala sa pagkakakilanlan ng sangkot na personnel.










