Nakapagtala ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng tatlong bagong kaso ng COVID-19, dahilan upang umabot na sa 60 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso sa lungsod mula Enero hanggang sa kasalukuyan.
Batay sa pinakahuling ulat ng Water and Food-Borne Diseases, Influenza-Like Illnesses, Leptospirosis, at Dengue (W.I.L.D.) monitoring, nakapagtala rin ang lungsod ng tatlong bagong kaso ng dengue na nagtaas sa kabuuang bilang nito sa 1,961 ngayong taon.
Samantala, isang panibagong kaso ng leptospirosis ang naitala noong Hulyo 16, kaya umabot na sa 94 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng naturang sakit sa Maynila ngayong taon.
Bagama’t walang naitalang bagong kaso ng iba pang sakit na kabilang sa W.I.L.D. monitoring, nananatiling mataas ang naitalang bilang ng influenza-like illnesses (773), severe acute respiratory infections o SARI (240), typhoid fever (57), at cholera (3).
Dahil dito, muling hinikayat ng Manila Health Department (MHD) ang publiko na maging maingat at pairalin ang mga hakbang sa pag-iwas sa sakit, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan kung kailan mas mataas ang panganib ng pagkalat ng iba’t ibang karamdaman.











