--Ads--

Tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela na mananagot at mapaparusahan ang mga tsuper at operator ng dalawang jeepney na nasangkot sa umano’y karera sa kahabaan ng national highway sa Naguilian, Isabela.

Matatandaang nagviral sa social media ang mga video at CCTV footage na nagpapakita sa dalawang pampasaherong jeep na tila nag-uunahan sa kalsada habang may mga estudyanteng nakasakay pa sa topload o bubong ng mga sasakyan, na nagdulot ng pangamba sa kaligtasan ng mga pasahero at iba pang motorista.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Governor Rodito Albano III, sinabi nito na agad niyang ipinag-utos sa Provincial Public Safety Office na tukuyin at hanapin ang mga tsuper at may-ari ng mga sangkot na jeepney upang pagpaliwanagin sa insidente at isailalim sa kaukulang imbestigasyon.

Ayon sa gobernador, malinaw na mapanganib at iresponsable ang naging asal ng mga sangkot dahil isinugal nila ang buhay ng kanilang mga pasahero, lalo na ng mga estudyanteng nakasakay sa bubong ng sasakyan.

--Ads--

Binigyang-diin ni Albano na hindi dapat pinapalampas ang mga ganitong uri ng paglabag dahil maaaring humantong ito sa malubhang aksidente at pagkasawi ng mga pasahero.

Nagbigay rin siya ng tatlong araw na palugit sa mga tsuper at operator upang boluntaryong makipag-ugnayan sa pamahalaang panlalawigan at magpaliwanag hinggil sa kanilang ginawa.

Babala ng gobernador, maaari silang maharap sa iba’t ibang parusa kabilang ang pagmumulta, pagsususpinde o pagkansela ng lisensya ng mga tsuper, at maging ang posibilidad na maapektuhan ang prangkisa ng mga sangkot na sasakyan kung mabibigong sumunod sa direktiba ng pamahalaang panlalawigan.

Samantala, natunton na ng Provincial Public Safety Office (PPSO) ang mga plaka ng dalawang pampasaherong jeep na sangkot sa nag-viral na insidente ng umano’y karera sa kalsada sa lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Public Safety Officer Kim Patrick Agbayani, sinabi nitong nakilala na nila ang isa sa mga tsuper na sangkot sa insidente. Kaugnay nito, pansamantala itong pagbabawalan sa pamamasada at bibigyan ng show cause order bilang pagsunod sa direktiba ni Gov. Rodito Albano.

Dahil sa insidente, mas pinaigting na rin ng PPSO, katuwang ang Land Transportation Office (LTO), Highway Patrol Group (HPG), Philippine National Police (PNP), at iba pang law enforcement agencies, ang operasyon at pagbabantay sa mga pangunahing lansangan sa iba’t ibang bahagi ng Isabela upang maiwasan ang mga katulad na paglabag at mapanatili ang kaligtasan ng mga mananakay at motorista.

Ayon kay Agbayani, wala na silang naitatalang kahalintulad na insidente mula nang higpitan ang pagpapatupad ng monitoring at mga inspeksyon sa mga kalsada. Bagama’t regular silang nagsasagawa ng road surveillance at enforcement activities, ito umano ang kauna-unahang pagkakataon na nakakita sila ng mga pampasaherong jeep na pinaghihinalaang nakikipagkarera habang may sakay na mga pasahero.

Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng responsableng pagmamaneho at hinikayat ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan na isaisip ang kapakanan at kaligtasan ng kanilang mga pasahero sa lahat ng oras. Tiniyak naman niya na magpapatuloy ang mahigpit na pagbabantay at koordinasyon ng mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga lansangan ng lalawigan.