Dalawang Pilipinong seafarer ang nasawi, isa ang nawawala at 12 naman ang nasugatan matapos ang serye ng pag-atake sa mga commercial ship sa hilagang bahagi ng Black Sea malapit sa timog Ukraine.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac, apat sa mga nasugatang Pilipino ang naipauwi na sa bansa habang patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan para sa kapakanan ng iba pang apektadong tripulante.
Dahil dito, muling nagpaalala ang DMW sa mga Filipino seafarer na iwasan ang mga biyahe sa mga lugar na may mataas na panganib at itinuturing na warlike areas.
Binigyang-diin din ng ahensya na may karapatan ang mga seafarer na tumangging maglayag sa mga lugar na may banta sa kanilang kaligtasan.
Patuloy na tumitindi ang tensyon sa Black Sea kasunod ng panibagong pag-atake ng Russia at Ukraine gamit ang mga drone at missile sa mga daungan at sasakyang pandagat, na naglalagay sa panganib sa mga sibilyang barko at kanilang mga tripulante.











