Inihayag ng Pangulo ng Iran na si Masoud Pezeshkian na nasa ganap na digmaan o “full-scale war” na ang kanilang bansa laban sa Estados Unidos kasunod ng panibagong serye ng airstrikes ng Washington sa iba’t ibang bahagi ng Iran.
Ayon kay Pezeshkian, kailangang tanggapin ng Iran ang mga magiging epekto ng patuloy nitong paglaban habang tumitindi ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Iniulat ng Iranian state media na nagsagawa ang Estados Unidos ng mga panibagong pag-atake sa hilaga at gitnang bahagi ng Iran, kabilang ang Bushehr kung saan matatagpuan ang nag-iisang operational civilian nuclear power plant ng bansa.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Islamic Revolutionary Guard Corps na nagsagawa rin ang Iran ng mga pag-atake sa mga target sa Bahrain, Jordan at Syria bilang tugon sa mga aksyon ng Estados Unidos.
Naitala rin ang pagkasawi ng isang katao at pagkasugat ng ilan pa sa East Azerbaijan province matapos tamaan ng mga missile strike.
Samantala, sa kabila ng nagpapatuloy na bakbakan, sinabi ng Iranian Foreign Ministry na nagpapatuloy pa rin ang mga diplomatikong pakikipag-ugnayan sa Estados Unidos sa pamamagitan ng mga international mediator upang maiwasan ang mas malawak na paglala ng sigalot sa rehiyon.











