Naaresto na ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang suspek na sangkot sa pagpaslang sa vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata matapos ang operasyon sa Mabalacat, Pampanga ngayong umaga ng Hulyo 23.
Kinumpirma ni PCol. Allen Rae Co, hepe ng Public Information Office (PIO) ng PNP, na kabilang sa mga naaresto ang isang 58-anyos na lalaki mula sa Caloocan City na umano’y gunman at isang 48-anyos na lalaki mula sa Cavite na nagsilbing drayber ng motorsiklo.
Ayon kay Co, nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang hand grenade, isang caliber .45 pistol at isang 9mm pistol. Pinaniniwalaan ng mga imbestigador na ang caliber .45 na baril ang ginamit sa pagpatay sa biktima.
Inihayag din ng opisyal na may iba pang kinahaharap na kaso ang umano’y gunman, bagama’t hindi na nito idinetalye ang mga naturang kaso.
Matatandaang pinasok ng mga suspek ang bahay ni Lipata sa Caloocan City noong Hulyo 17 kung saan siya pinaslang. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa krimen at kung may iba pang sangkot sa insidente.











