Nilinaw ni Senator-Judge Robinhood “Robin” Padilla ngayong Huwebes na ang kanyang panawagan sa mga prosecutor na huwag maging “one-sided” sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay hindi pagtatanggol kaninuman kundi isang panawagan para sa pagiging patas at paggalang sa due process.
Ginawa ni Padilla ang paglilinaw matapos umani ng iba’t ibang reaksyon at interpretasyon ang kanyang naging pahayag sa pagdinig noong Hulyo 22.
Ayon sa senador, ang kanyang komento ay may kaugnayan sa usapin ng partisipasyon ng ilang senator-judges na may kinakaharap na mga kaso ngunit wala namang hatol na pagkakasala, lalo na kung maaapektuhan ang kanilang pagdalo dahil sa mga kautusan ng hukuman.
Tinukoy niya ang naging pahayag ni House prosecutor Leila de Lima na maaaring magbago ang bilang ng mga boto na kailangan para sa conviction kung may mga senator-judge na legal na hindi makakalahok sa paglilitis. Sa ilalim ng Konstitusyon, kinakailangan ang dalawang-katlong boto ng Senado o 16 na boto upang mahatulan ang isang opisyal sa impeachment.
Binigyang-diin ni Padilla na hindi niya ikinukumpara ang legal na kwalipikasyon ng mga testigo at senator-judges, sapagkat magkaiba ang mga patakarang sumasaklaw sa kanila. Gayunman, sinabi niyang dapat munang maubos ang lahat ng legal na remedyo upang mabigyan ng pagkakataon ang mga senador na gampanan ang kanilang tungkulin bilang mga hukom sa impeachment court.











