--Ads--

Nanawagan ang Joint Foreign Chambers of the Philippines (JFC) sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isulong ang 12 pangunahing reporma upang mapalakas ang pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.

Sa liham na ipinadala kay Pangulong Marcos bago ang kanyang nalalapit na State of the Nation Address (SONA), hinimok ng grupo ang pamahalaan na unahin ang mga panukalang batas na magpapababa ng gastos sa kuryente, magpapalakas ng digital infrastructure, at magpapahusay sa klima ng pamumuhunan.

Kabilang sa mga prayoridad ng JFC ang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), pagpasa ng Cybersecurity Act, Digital Economy Act, at AI Act, gayundin ang Freedom of Access to Information Act at National Land Use Act.

Binigyang-diin din ng grupo ang pangangailangang palakasin ang pagpapatupad ng mga umiiral na reporma tulad ng Ease of Doing Business Act, CREATE MORE Act, at Ease of Paying Taxes Act upang higit pang mapabuti ang kapaligiran para sa negosyo at makalikha ng mas maraming trabaho.

--Ads--