Hindi bababa sa 41 katao ang nasawi sa matinding pagbaha sa estado ng Assam sa hilagang-silangang bahagi ng India dulot ng malalakas na ulang dala ng habagat o monsoon rains.
Ayon kay Assam Chief Minister Himanta Biswa Sarma, nagsimula ang mga pagbaha noong Hunyo at nakaapekto na sa mahigit 900,000 residente sa higit 1,800 mga bayan.
Sinabi ni Sarma na bukod sa mga nasawi, libu-libong alagang hayop din ang inanod ng baha habang nakaranas ang ilang lugar ng pag-ulan na mahigit 400 porsiyentong mas mataas kaysa karaniwang antas.
Patuloy naman ang rescue at relief operations ng mga awtoridad katuwang ang Indian Air Force, State Disaster Response Force at National Disaster Response Force.
Mahigit 150 evacuation centers na rin ang itinayo kung saan pansamantalang nanunuluyan ang halos 30,000 evacuees.
Gumagamit din ang pamahalaan ng drones at mga bangka upang maihatid ang relief goods sa mga lugar na hindi madaling marating.











