Humingi ng paumanhin si Sen. Robinhood Padilla kay House prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon matapos niya itong maling mabanggit sa isang panayam kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Nauna nang sinabi ni Padilla na sina Ridon at Rep. Leila de Lima umano ang nagsabing hindi dapat makalahok sa paglilitis ang mga nakakulong na senator-judges. Gayunman, itinanggi ito ni Ridon at iginiit na wala siyang naging pahayag tungkol sa usapin.
Sa isang pahayag sa social media, inamin ni Padilla ang kanyang pagkakamali at nilinaw na si Manila 3rd District Representative Joel Chua ang tinutukoy niyang nagbigay ng naturang komento.
Tinanggap naman ni Ridon ang paghingi ng paumanhin ni Padilla at muling tiniyak ang paggalang ng prosecution panel sa Senate Impeachment Court at sa mga senator-judges.











