--Ads--

Inamin ni Senate President Win Gatchalian na mas naging mabigat ang trabaho sa Senado dahil sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at sa nalalapit na pagtalakay sa panukalang national budget para sa 2027.

Ayon kay Gatchalian, malaking hamon para sa Senado ang sabay-sabay na paghawak sa impeachment trial, deliberasyon ng national budget, mahigit 50 panukalang nakapaloob sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), at iba pang priority measures na inihain ng mga senador.

Sinabi niya na nakahanda ang mga senador na maglaan ng dagdag na oras upang matugunan ang lahat ng kanilang tungkulin. Kabilang sa mga pinag-aaralang hakbang ang pagsasagawa ng mga pagdinig at technical working group meetings tuwing Huwebes, Biyernes, at maging Sabado.

Ayon pa kay Gatchalian, umaabot sa apat hanggang anim na oras kada araw ang inilalaan ng Senado para sa impeachment trial. Dahil mas humahaba ang testimonya ng ilang testigo kaysa sa inaasahan, posible aniyang umabot sa 14 hanggang 16 na buwan ang kabuuang paglilitis.

--Ads--

Samantala, pinag-aaralan din ng Senado ang posibleng pagbabago sa iskedyul ng impeachment proceedings upang mapabilis ang pagdinig sa kaso, maiwasan ang pag-uulit ng mga testigo, at mabigyang-daan ang sabay na pagtalakay sa mahahalagang panukalang batas at sa 2027 national budget.