Iginiit ni dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez na wala siyang nilabag na batas at handa siyang harapin at patunayan ang kanyang panig sa tamang legal na proseso, kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakatakdang sampahan siya ng kaso ng Office of the Ombudsman.
Ito ay matapos sabihin ng Pangulo sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na kailangang gawin ng pamahalaan ang nararapat kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y mga anomalya sa flood control projects. Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang kanyang tungkulin ay para sa buong sambayanang Pilipino at hindi lamang para sa kanyang pamilya o mga kaibigan.
Sa kabila nito, sinabi ni Romualdez na bagama’t masakit para sa kanilang pamilya ang naging pahayag ng Pangulo, iginagalang niya ito at kinikilala bilang bahagi ng umiiral na proseso.
Ayon pa sa dating House Speaker, sa buong panahon ng kanyang panunungkulan sa pamahalaan ay hindi siya kailanman humingi ng anumang espesyal na pabor mula sa Pangulo.
Dagdag niya, naniniwala siyang dapat pairalin ang batas at hayaan ang mga ebidensya at tamang proseso ang magpasya sa usapin, sa halip na mga haka-haka at alegasyon.











