Muling umangat ang lokal na stock market matapos mabawi ang pagkalugi sa nakaraang trading session, kasabay ng pagtaas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan na hindi magiging agresibo ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pagtataas ng interest rates.
Tumaas ng 0.78% o 49.01 puntos ang Philippine Stock Exchange Index (PSEi) at nagsara sa 6,353.04. Pangunahing nagtulak sa pag-akyat ng merkado ang bargain hunting sa mga pangunahing kumpanya na nakalista sa lokal na bourse.
Ayon sa mga analyst, positibong tinanggap ng mga mamumuhunan ang pahayag ni BSP Governor Eli Remolona Jr. na mababa ang posibilidad ng mas agresibong paghihigpit sa monetary policy sa mga susunod na buwan.
Nakatulong din sa pagtaas ng merkado ang net inflows mula sa mga dayuhang mamumuhunan na umabot sa ₱657.58 milyon. Nanguna naman sa pag-akyat ang sektor ng mga conglomerate na nagtala ng 2.72% na paglago.
Gayunman, nananatiling maingat ang mga investor dahil sa patuloy na mga tensyon sa pandaigdigang merkado at sa paghihintay sa magiging desisyon ng US Federal Reserve kaugnay ng susunod nitong hakbang sa interest rates.










