--Ads--

Patuloy na igagalang nina Vice President Sara Duterte at Atty. Manases “Mans” Carpio ang kapangyarihan ng Senate Impeachment Court at susunod sa mga legal na proseso, ngunit naniniwala silang may mahahalagang usaping legal na dapat pang linawin kaugnay ng pagpapalabas ng kanilang income tax records.

Sa isang pahayag na inilabas ngayong Hulyo 31, sinabi ni Carpio na ang kanyang posisyong legal ay dapat suriin ang awtorisasyon sa pagpapalabas ng naturang mga dokumento alinsunod sa mga umiiral na probisyon ng Konstitusyon at mga batas na namamahala sa pagiging kumpidensyal ng impormasyon ng mga nagbabayad ng buwis at sa paggamit ng kapangyarihang ehekutibo.

Ayon pa kay Carpio, patuloy na ihaharap ng kanyang legal team ang lahat ng mga argumentong legal na maaari nilang gamitin sa mga angkop na forum habang iginagalang ang kapangyarihan at kalayaan ng mga institusyong sangkot sa usapin.

Matatandaang isinumite kamakailan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Senate Impeachment Court ang mga tax records ni Vice President Sara Duterte at ni Atty. Carpio bilang pagsunod sa kautusan ng korte kaugnay ng nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa Bise Presidente.

--Ads--