--Ads--

Nagtamo ng injury ang isang construction worker matapos mabangga ng isang tricycle habang tumatawid sa kahabaan ng national highway na nasasakupan ng Minante 1, Cauayan City, Isabela pasado alas-12 ng tanghali ngayong araw.

Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan mula sa mga nakasaksi, tumatawid ang grupo ng mga construction worker sa pambansang lansangan nang huminto ang isang paparating na pick-up truck upang magbigay-daan.

Gayunman, nag-overtake umano ang isang tricycle sa naturang pick-up truck at nabangga nito ang isa sa mga construction worker na nasa gitna ng pagtawid.

Ayon sa tsuper ng tricycle, napansin niya ang mga pedestrian ngunit inakala niyang tumigil na ang mga ito sa pagtawid kasabay ng paghinto ng pick-up truck na kanyang sinusundan. Gayunman, huli na umano nang mapansin niya na nagpapatuloy pa rin sa pagtawid ang isa sa mga construction worker kaya hindi na niya naiwasan ang pagkakabangga rito.

--Ads--

Nagtamo ng injury ang biktima na nalapatan din ng paunang lunas ng mga rumespondeng rescuer.

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari at ang posibleng pananagutan ng mga sangkot sa insidente.