--Ads--

Patuloy na pinoproseso ng 5th Infantry (STAR) Division ang pag-uuwi sa Mindanao ng labi ni Jony Escobilla o alyas “Amad”, isa sa mga nasawi na miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa naganap na engkuwentro sa Abra.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Maj. Eduardo “Ed’ Rarugal, Chief ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division, Philippine Army, sinabi niya na nakikipag-ugnayan pa sila sa pamilya ni Escobilla at sa iba pang kinauukulang ahensya upang matiyak ang maayos at marangal na pag-uuwi ng kanyang labi.

Ayon kay Army Maj. Rarugal, sasagutin ng Gobernador ng Abra ang mga gastusin sa pagpapauwi ng labi ni Escobilla sa Mindanao bilang tulong sa kanyang pamilya.

Tinanggap na rin ng kani-kanilang pamilya ang mga labi nina Enrique Dayandante alyas “Chico” o “Abdul” at Eugene Hilaus alyas “Aki,” “Ken,” o “Dina” matapos makumpleto ang lahat ng kinakailangang proseso at koordinasyon sa pagitan ng kanilang mga kaanak at mga kinauukulang ahensya.

--Ads--

Ibinahagi rin ng opisyal na naging mahirap ang retrieval operation sa mga labi dahil sa matarik at masukal na kabundukan ng Abra.

Aniya, inabot ng halos isang araw ang mga tropa upang maibaba ang mga labi mula sa lugar ng engkuwentro patungo sa mas ligtas na lokasyon para sa kaukulang pagproseso at turnover sa kanilang mga pamilya.

Samantala, isang iniwang labi ang natunton ng tracking team ng 5th Infantry (STAR) Division sa tulong ng K9 habang nagsasagawa ng Law Enforcement Support Operations sa kabundukan ng Abra.

Ayon kay Army Maj. Rarugal, sinusundan ng tracking team ang mga bakas sa lugar nang matagpuan ang labi sa tabi ng kanilang tinutunton na ruta.

Sa kasalukuyan ay isinasagawa na ang kaukulang koordinasyon at mga proseso upang matukoy ang pagkakakilanlan ng nasawi at ang mga pangyayaring may kaugnayan sa kanyang pagkamatay.

Kaugnay nito, muling nanawagan si Maj. Rarugal sa mga natitirang miyembro ng rebeldeng grupo na samantalahin ang pagkakataong makabalik sa gobyerno at sumuko habang may pagkakataon pa.

Aniya, bukas ang pamahalaan sa mapayapang pakikipag-usap at handang tumulong sa mga nais magbagong-buhay upang maiwasan ang karagdagang pagkawala ng buhay at muling makapiling ng mga rebelde ang kanilang mga pamilya.