--Ads--

Patuloy na kinukumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ulat na may isang Pilipinong nasawi habang umano’y nakikipaglaban sa panig ng Russia sa digmaan sa Ukraine.

Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, wala pang sapat na impormasyon upang mapatunayan ang pagkakakilanlan ng naturang indibidwal at ang mga pangyayaring nakapalibot sa insidente.

Ang ulat ay nagmula sa Ukrainian news agency na RBC-Ukraine, na nagsabing isang 37-anyos na lalaki mula sa Metro Manila ang napatay habang nagsisilbi umano sa Russian military sa Donetsk region.

Batay sa impormasyon ng Ukrainian intelligence, nagtungo umano ang lalaki sa Russia noong Abril at lumagda sa kontrata sa Russian armed forces noong Mayo bago sumailalim sa military training at maitalaga sa frontline.

--Ads--

Sinasabing nasawi siya sa isang opensiba sa Donetsk region noong huling bahagi ng Mayo.

Samantala, muling pinaalalahanan ng pamahalaan ang mga Pilipino na iwasang makilahok sa mga armadong tunggalian sa ibang bansa.