Sinabi ni Atty. Levito Baligod, abogado ng natitirang mga tinaguriang “maleta boys,” na maghahain siya ng affidavit upang kontrahin ang mga pahayag ng apat na testigong umatras sa kanilang mga naunang salaysay laban kina dating House Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, at Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Baligod, inimbitahan siya ng Office of the Ombudsman upang talakayin ang mga hakbang para mapalakas ang kaso at malinawan ang ahensya sa naging pagbawi ng mga testigo.
Ang mga dating bodyguard na umano’y konektado kay Co ay nag-akusa na naghatid sila ng mga maletang may lamang pera kina Co, Romualdez at Marcos Jr., kaugnay ng iniimbestigahang umano’y P56 bilyong ill-gotten wealth mula 2022 hanggang 2025.
Tatlo sa apat na bumawi ng salaysay ang nagsabing napilitan lamang silang lumagda sa mga affidavit at nakaranas ng banta ng kaso kung hindi sila susunod.
Bilang tugon, sinabi ni Baligod na magsusumite sila ng mga affidavit mula sa mga nakasaksi sa proseso ng pagkuha ng salaysay upang patunayang walang pananakot na naganap.
Gayunman, iginiit niya na matagal nang nakararanas ng umano’y pressure at pagbabanta ang apat na testigo bago nila binawi ang kanilang mga pahayag.
Noong Pebrero, naghain si Baligod ng joint affidavit ng 18 bodyguards, ngunit inatasan ng Ombudsman na magsumite ang bawat isa ng hiwalay na affidavit. Sa bilang na ito, walo lamang ang nakapaghain ng magkakahiwalay na salaysay.











