--Ads--

Mahigpit na babantayan ng Senado ang PAX Silica initiative upang matiyak na mapapakinabangan ng bansa ang potensyal nitong ambag sa ekonomiya nang hindi isinasakripisyo ang kalikasan, soberanya at karapatan ng mga lokal na komunidad.

Ayon kay Senate President Win Gatchalian, mahalaga ang oversight ng Senado upang matukoy at matugunan ang mga posibleng panganib at hinaing kaugnay ng proyekto.

Sinabi ni Gatchalian na kailangang tiyaking pangmatagalan ang magiging pakinabang sa ekonomiya ng PAX Silica habang napoprotektahan ang kapaligiran at mga karapatan ng mga magsasaka at katutubo.

Malaki aniya ang potensyal ng inisyatibo na magdala ng high-value technology sector sa bansa, kabilang ang tinatayang 200,000 direktang trabaho at hanggang 800,000 trabaho sa panahon ng konstruksyon.

--Ads--

Gayunman, iginiit ng Senate President na dapat balansehin ang mga oportunidad na ito sa pamamagitan ng mahigpit na oversight upang maiwasan ang anumang magiging epekto sa kalikasan at mga komunidad.

Tiniyak ni Gatchalian na magpapatuloy ang pagbabantay ng Senado sa lahat ng yugto ng PAX Silica initiative upang matiyak na hindi maisasakripisyo ang kalikasan, soberanya at karapatan ng mga lokal na komunidad kapalit ng inaasahang pakinabang sa ekonomiya.