--Ads--

Nagpahayag ng matinding pagkabahala at mariing pagkondena ang Sangguniang Kabataan (SK) Gamu Federation kaugnay ng insidenteng naganap matapos ang Game 1 ng Finals ng Gamu Interbarangay Basketball League sa pagitan ng Barangay Mabini at District 2.

Batay sa impormasyong natanggap ng SK Federation, isang bata umano ang naghagis ng bato sa isang truck o sasakyan ng Barangay Mabini sa bahagi ng District 2, Gamu, Isabela. Sa kasamaang-palad, isa pang bata ang nagtamo ng malubhang pinsala sa mata dahil sa insidente.

Ayon sa SK Gamu Federation, pangunahing prayoridad sa kasalukuyan ang kaligtasan at kapakanan ng nasugatang bata. Umaasa rin silang mabibigyan ito ng kinakailangang medikal na atensyon at suporta upang mapabilis ang paggaling nito.

Mariin ding binigyang-diin ng organisasyon na walang puwang ang anumang uri ng karahasan, mapanganib na pag-uugali, paghihiganti o anumang kilos na maaaring maglagay sa panganib sa ibang tao, lalo na sa mga kabataan.

--Ads--

Dahil dito, magsasagawa ng masusing imbestigasyon ang SK Gamu Federation katuwang ang mga barangay officials, mga magulang o guardian, mga saksi, kinatawan ng mga koponan at iba pang kinauukulang awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari at angkop na hakbang na dapat isagawa.

Nanawagan din ang organisasyon sa publiko na manatiling kalmado at responsable at iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi kumpirmadong impormasyon, akusasyon o pahayag na maaaring magdulot ng karagdagang tensyon sa komunidad.

Binigyang-diin ng SK Gamu Federation na ang basketball ay dapat magsilbing daan upang mapagkaisa ang mga komunidad at hindi pagmulan ng alitan. Anila, ang bawat laro ay may kaakibat na mga pamilya, kabataan at mamamayang nararapat na mapanatiling ligtas sa lahat ng pagkakataon.

Kasabay nito, hinimok nila ang publiko na makiisa sa pagkondena sa karahasan, pag-alalay sa nasugatang bata at sa pamilya nito, at pagtutulungan upang matiyak na hindi na mauulit ang kahalintulad na insidente.