Inihayag ni US President Donald Trump na wala umanong kasalukuyang negosasyon o nakatakdang pag-uusap sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, habang nananatiling sentro ng tensyon ang Strait of Hormuz.
Ayon kay Trump, patuloy ang naval blockade ngunit bukas at normal umanong gumagana ang Strait of Hormuz. Sinabi rin niyang naalis o napasabog na ang lahat ng water mine sa lugar.
Samantala, iginiit ni Iranian negotiator Mohammad Baqer Qalibaf na hindi pa bubuksan ng Iran ang Strait of Hormuz hangga’t hindi tinutupad ng Estados Unidos ang mga kondisyon ng pansamantalang kasunduan na nilagdaan noong Hunyo.
Kabilang sa hinihingi ng Iran ang pagtanggal sa blockade sa mga daungan nito, pag-alis ng oil sanctions, pagpapalaya sa mga nakapirming ari-arian ng bansa at pagtigil sa mga banta at operasyong militar.
Nauna namang sinabi ni Jared Kushner, special envoy at manugang ni Trump, na aktibo at malawak ang komunikasyon sa pagitan ng dalawang panig.
Gayunman, sinabi ng isang mataas na opisyal ng Iran na maaari nilang baguhin ang kanilang military posture tungo sa mas opensibong operasyon kung tuluyang mabigo ang diplomatikong pag-uusap.










