Pansamantalang isinara ang bahagi ng National Road sa Malico, Santa Fe, Nueva Vizcaya, dahil sa patuloy na pag-ulan at banta ng rain-induced landslide.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Macy Olog, PDRRM Officer ng Nueva Vizcaya, sinabi niyang maaari pang magkaroon ng panibagong pagguho ng lupa kahit matapos ang clearing operation, kaya pinapayuhan ang mga motorista na huwag nang dumaan sa lugar, lalo na kapag gabi at patuloy ang pag-ulan.
Inirekomenda ang Maharlika Highway bilang alternatibong ruta upang maiwasan ang pagkaka-stranded.
Ayon kay PDRRM Officer Olog, patuloy ding minomonitor ang mga lugar sa Kayapa, Diadi, Santa Fe, Kasibu at Aritao dahil sa banta ng landslide. Sa Kayapa, isang landslide ang naitala nitong umaga ngunit agad ding na-clear bandang alas-11.
Samantala, hindi rin madaanan ng mga sasakyan ang Bantugan Overflow Bridge sa Barangay Lublub, Alfonso Castañeda, dahil sa mataas na tubig at malakas na agos. May overflow bridge rin sa Aritao na hindi muna pinapadaan sa light vehicles.
Sa kabila nito, wala namang naiulat na isolated barangay o evacuees sa lalawigan.
Hinikayat ng PDRRMO ang mga biyahero na bantayan ang mga weather advisory at road updates bago bumiyahe at huwag ipilit ang pagdaan sa mga lugar na pansamantalang isinara dahil sa kalamidad.










