Inihayag ng isang psychologist na mahalagang maging compassionate at responsable ang lahat kaugnay ng nangyaring pamamaril ng isang Grade 9 student sa Ateneo de Zamboanga University noong Martes, Agosto 18, na ikinasawi ng dalawang katao kabilang ang mismong shooter.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Dominic Agoot, isang registered psychologist, sinabi niyang napakasensitibo ng naturang usapin kaya kailangang maging maingat, mapanuri, at empatiko ang publiko para sa mga biktima at pamilyang naapektuhan.
Aniya, bagama’t may kalayaan ang lahat na maglabas ng saloobin at opinyon, mahalagang suriin muna kung ang ibabahaging pahayag ay makakasakit o makakapagpalala sa sitwasyon ng iba.
Ayon pa kay Dr. Agoot, dapat ding iwasan ang pag-sensationalize sa isyu at ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon, maging ang mga larawan at video sa social media, upang maiwasan ang traumatic effect nito sa komunidad lalo na sa mga pamilya ng nasawi at ng suspek na kasalukuyang nasa gitna ng pagluluksa.
Dagdag pa niya, maraming salik ang dapat isaalang-alang ukol sa naging motibo ng suspek sa pamamaril, ngunit posibleng may kaugnayan ito sa usapin ng mental health.
Dahil dito, iminungkahi niyang paigtingin ng pamahalaan at ng buong komunidad ang pagpapalaganap ng mental health awareness, lalo na sa mga kabataan, upang maiwasan ang pagkaulit ng ganitong trahedya.
Nanawagan din si Dr. Agoot sa mga magulang at guardian na patuloy na gabayan at bantayan ang mga pagbabago sa kilos o pag-uugali ng kanilang mga anak.
Dahil laganap na ang paggamit ng social media sa mga kabataan, ipinaalala niya sa mga magulang na maaari nilang subaybayan ang mga post at aktibidad ng mga anak sa internet, sapagkat madalas ditong naipapahayag ang kanilang mga pinagdadaanan, naiisip, at saloobin.
Ayon pa sa kaniya, may mga pahiwatig o indirect ways ang mga kabataan sa pagsasabi ng kanilang mga balak, tulad na lamang ng pagbibiro tungkol sa pagpapakamatay, pagpatay, at iba pang reckless activities o sensitibong usaping hindi dapat ginagawa sa sarili man o sa ibang tao.
Binigyang-diin niya na ang mga ganitong senyales ay kinakailangang tiyaking nasusubaybayan at natututukan ng mga magulang sa kanilang mga anak.











