Simula Setyembre 1, huhulihin ng Land Transportation Office (LTO) ang lahat ng sasakyang gumagamit ng improvised o replica license plates nang walang otorisasyon.
Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, kabilang sa target ng operasyon ang mga sasakyang inilalabas ng ilang car dealers na gumagamit lamang ng improvised plates.
Nilinaw niya na para makaiwas sa huli, kailangang may maipakitang authorization mula sa LTO ang mga driver na gumagamit ng pansamantalang plaka.
Ginawa ni Lacanilao ang pahayag matapos ma-impound ng LTO ang Porsche 918 na nakarehistro kay actor-businessman Derek Ramsay, ngunit minamaneho ng kaibigang negosyanteng si Anthony Violago gamit ang improvised plate.
Naisuko na ni Violago ang kanyang driver’s license at naka-impound na ang naturang mamahaling sasakyan. Ayon sa ulat, naibenta na ni Ramsay ang sasakyan kay Violago ngunit hindi pa naililipat ang rehistro. Si Violago umano ang nagkabit ng improvised plate at humingi ng paumanhin sa LTO.
Dagdag ni Lacanilao, ginagamit ng ilang kriminal ang replica plates upang maitago ang kanilang mga sasakyan.
Humingi na rin ng tulong ang LTO sa Philippine National Police (PNP) upang matukoy ang nasa likod ng illegal na paggawa ng improvised plates.
Ang paggamit ng improvised plates ay may katumbas na multang P5,000 at impound ng sasakyan.










