Inamin ng dating special disbursing officer ng Office of the Vice President na naglabas siya ng P500 milyong halaga ng confidential funds sa isang opisyal na hindi bonded o walang pananagutan sakaling mawala ang pondo.
Ginawa ni Gina Acosta ang pag-amin sa direct examination ni private prosecutor Amando Ligutan sa ika-17 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Acosta, ibinigay niya ang naturang confidential funds kay Colonel Raymund Lachica, commanding officer ng Vice Presidential Security and Protection Group.
Gayunman, binigyang-diin ni Ligutan na hindi pinahihintulutan ng Section 6 ng 2015-01 Joint Circular ang ganitong paraan ng paglalabas ng confidential at intelligence funds.
Nakasaad sa naturang joint circular na ang cash advances para sa confidential o intelligence funds ay dapat kunin lamang ng duly designated at bonded special disbursing officer o ng head of agency para sa pagpapatupad ng mga programang pinondohan ng naturang pondo.
Tinanong ni Ligutan si Acosta kung nagdesisyon siyang ibigay kay Lachica ang pondo kahit ipinagbabawal ito sa joint circular, na sinagot naman ng dating SDO na siya mismo ang nagdisburse nito kay Lachica.
Dito naman namagitan si Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero at tinanong kung bonded o accountable officer si Lachica.
Sinabi ni Acosta na hindi bonded si Lachica at siya pa rin ang accountable person sa naturang pondo, dahilan upang siya rin ang naghanda ng liquidation report.
Samantala, inamin din ni Acosta sa pagtatanong nina Escudero at Ligutan na wala siyang personal na kaalaman kung aktuwal na napunta sa mga lehitimong recipient ang confidential funds, kabilang ang ilang recipient na may mga hindi pangkaraniwang pangalan.










