Naghahanda na ang Department of Health o DOH sa posibleng pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa bansa kasunod ng mga pagbaha sa nakalipas na mga linggo.
Ayon sa DOH, nagbukas na ng mga “leptospirosis fast lane” ang 33 ospital ng ahensya sa Metro Manila, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon at Cordillera Administrative Region upang mapabilis ang pagtugon sa mga pasyente.
Tiniyak din ng kagawaran na sapat ang mga kama at gamot para sa mga pasyenteng nangangailangan ng pagpapagamot at pagpapa-admit sa mga ospital.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, umabot na sa 4,285 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa buong bansa. Bagama’t mas mababa ito ng 37 porsyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, nakapagtala naman ng pagtaas ng mga kaso mula Hulyo 26 hanggang Agosto 8.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa National Capital Region, Cagayan Valley at Central Luzon.
Samantala, nakikipag-ugnayan ang Philippine General Hospital sa National Kidney and Transplant Institute matapos mapuno ang kapasidad ng ilang ospital dahil sa pagdami ng mga pasyente ng leptospirosis.
Muling pinaalalahanan ng DOH ang publiko na umiwas sa paglusong o paglangoy sa baha, magsuot ng bota kung kinakailangang lumusong sa tubig-baha, agad maghugas ng paa at katawan gamit ang malinis na tubig at sabon, at magpakonsulta agad sa doktor kung makararanas ng sintomas ng sakit sa halip na mag-self-medicate.










