Umabot na sa 31 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng Tropical Cyclones Luis, Maymay at Neneng, pati ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Office of Civil Defense o OCD.
Batay sa ulat ng OCD ngayong Miyerkules, mayroon ding 19 nasugatan at tatlong nawawala dahil sa mga weather disturbance.
Pinakamaraming nasawi sa Benguet na may 15, kabilang ang 10 sa Baguio City, dalawa sa La Trinidad at tatlo sa Atok, na pawang nasawi sa mga landslide.
Apat naman ang nasawi sa Rizal at apat sa Batangas, habang naitala rin ang mga pagkamatay sa Occidental Mindoro, La Union, Quezon City, Oriental Mindoro, Negros Occidental at Caloocan.
Samantala, nasa 7.7 milyon katao o 2.2 milyong pamilya ang naapektuhan ng sama ng panahon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Tinatayang P5.5 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at P1.9 bilyon naman sa agrikultura. Umabot din sa halos 2,700 bahay ang napinsala.
Ayon sa OCD, nakapaglaan na ang pamahalaan ng P1.42 bilyong halaga ng ayuda para sa mga apektadong komunidad.











