--Ads--

Itinanggi ng mga taong pinangalanang kasama ng tinaguriang “Maleta Boys” ang alegasyong naghatid sila ng mga maletang puno ng pera kay dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Isinama ni Romualdez ang kanilang mga sinumpaang salaysay sa Supplemental Counter-Affidavit na inihain niya nitong Huwebes sa Office of the Ombudsman.

Sa dokumento, binigyang-diin ni Romualdez ang umano’y pagkakasalungatan sa mga pahayag nina Christopher T. Esquivel, Gil N. Navidad Jr. at Rodante P. Orbillo, na nagbanggit ng mga indibidwal na sinasabing nakasama nila sa paghahatid ng maleta ng pera.

Ayon sa depensa, itinanggi ng mga taong pinangalanan ng tatlo ang kanilang pagkakasangkot sa paghahatid ng pera o pagtanggap ng utos na maghatid nito sa mga politiko o opisyal ng pamahalaan.

--Ads--

Nagsumite rin si Romualdez ng 25 bagong sinumpaang salaysay mula sa mga dating tauhan ni dating Ako Bicol party-list Representative Elizaldy Co, kabilang ang mga driver, security personnel, rider at iba pang empleyado na pinasisinungalingan ang mga alegasyon.

Samantala, sinabi ng public interest at human rights lawyer na si Antonio Bucoy na wala umanong sapat na ebidensiyang nag-uugnay kay Romualdez sa flood control controversy.

Ayon kay Bucoy, matapos ang recantation ng mga nag-akusa at pagtanggi ng 25 dating aide ni Co, wala umanong malinaw na ebidensiya laban sa dating Speaker.

Iginiit din niyang wala umanong contractor, kawani ng DPWH o iba pang dating opisyal ng ahensya ang direktang nag-uugnay kay Romualdez sa umano’y anomalya sa flood control projects.

Matatandaang matapos ang recantation ni dating Marine Sgt. Orly Guteza at iba pang nag-akusa, sinabi ng Ombudsman na mayroon itong 28 testigo laban kay Romualdez.