--Ads--

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagpapalabas ng P10,000 cash gift para sa mga kuwalipikadong senior citizen sa ilalim ng Expanded Centenarians Act, kasunod ng mga reklamo sa umano’y pagkaantala ng benepisyo.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nakarating na sa Pangulo ang mga reklamo laban sa National Commission of Senior Citizens o NCSC.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11982 o Expanded Centenarians Act, makatatanggap ng P10,000 cash gift ang mga Pilipinong umabot sa edad na 80, 85, 90 at 95, kabilang man sa Pilipinas o nasa ibang bansa.

Ang mga umabot naman sa edad na 100 ay entitled sa P100,000 cash gift at liham ng pagbati mula sa Pangulo.

--Ads--

Nauna rito, walong senior citizen mula Barangay Marilag sa Quezon City, edad 80 hanggang 85, ang naghain ng reklamo sa Anti-Red Tape Authority o ARTA noong Agosto 24 dahil sa umano’y matagal na paghihintay sa kanilang P10,000 cash gift.

Ayon sa Malacañang, inendorso ng ARTA ang reklamo sa NCSC Committee on Anti-Red Tape noong Agosto 25.

Nakatakda namang isagawa sa Agosto 28 ang clarificatory meeting sa pagitan ng ARTA, NCSC, concerned local government units at mga senior citizen na naghain ng reklamo.

Tiniyak ni Castro na nais ng administrasyon na agad maresolba ang usapin at maipamahagi ang mga benepisyong dapat matanggap ng mga senior citizen.