Sisimulan na sa Lunes ang pagtalakay sa Article II o ang alegasyon ng unexplained wealth, matapos tapusin ng prosecution ang presentasyon ng mga ebidensiya kaugnay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Ayon kay prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa, susuriin sa Article II ang mga bank account ni Vice President Sara Duterte, gayundin ang mga rekord mula sa Bureau of Internal Revenue o BIR at Anti-Money Laundering Council o AMLC.
Sinabi ni Tolosa na nais din ng prosecution na mapabilis ang paglilitis sa pamamagitan ng paghiling sa depensa na aminin ang authenticity ng mga dokumento mula sa mga bangko.
Napagdesisyunan naman ng prosecution na hindi na iharap ang kanilang mga natitirang testigo kaugnay sa confidential funds, dahil sapat na umano ang mga ebidensiyang nakalap batay sa mga testimonya ng mga naunang testigo.
Kanina, inihayag ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan na hindi na nila ipiprisinta ang kanilang mga testigo matapos maagang i-adjourn ng korte ang pagdinig.
Ayon kay Tolosa, napatunayan na sa testimonya ng mga bank manager, Special Disbursing Officers, COA auditors at PSA officials ang mga isyung kinakaharap ng OVP at DepEd, kabilang ang cash withdrawals, umano’y paglabag sa accounting rules, kakulangan ng mga resibo, at mga pangalang nakasaad sa acknowledgment receipts na walang katugmang rekord sa PSA.
Dahil dito, sinabi ni Tolosa na hindi na kailangan ng prosecution na magharap pa ng karagdagang mga testigo dahil magiging paulit-ulit lamang umano ang kanilang mga testimonya.
Sa kabilang banda, sinabi ni Tolosa na nakamit na ng prosecution ang kanilang mga evidentiary target upang patunayan ang alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds laban kay Vice President Sara Duterte.
Gayunman, nilinaw niyang nasa kamay pa rin ng mga senator-judges ang pagpapasya kung sapat ang mga ebidensiya upang maging basehan ng conviction.
Binigyang-diin ni Tolosa na ayaw na ng prosecution na magharap ng karagdagang ebidensiya na mauulit lamang sa mga nauna nang nailatag sa paglilitis.
Mananatili namang bukas ang Article I upang mabigyan ng pagkakataon ang mga senator-judges na magpatawag ng karagdagang mga saksi kung kinakailangan.










